Nuong nakaraang buwan, nabasa ko ang stat msg ng isa sa mga katrabaho ko. Ang sabi "Remembering Cris." Akala ko ay kung sino lalo pa't Cris din ang pangalan ko. Sabi ko, sino kaya itong Cris. Hangang sa nito lamang nakaraang araw ay napadaan ako sa blog ni Kuya Homar. Habang binabasa ko ito'y napukaw ang aking interes ng isa sa kanyang mga post na tungkol kay Cris Hugo. Lalo akong napa-isip. Ang sabi ko, sino ba itong taong ito at mukhang napaka-importante niya. Doon ay natagpuan ko ang isang link sa isang artikulong sinulat mismo ng isa sa mga malalapit na tao ky Cris Hugo...at napag-alaman ko nga kung sino ang taong ito.
Hanggang sa pagsulat ko ng artikulong ito ay mangiyak-ngiyak pa din ako. Isa pala siyang kapwa ko Bicolano na pinaslang ng mga taong walang ibang alam kundi ang gumawa ng maiitim na bagay para sa sarili nilang interes. Hindi ko man siya personal na kilala ay sobrang sama sa loob ko na malaman na may mga taong nakakayang pumatay ng taong walang kalaban-laban. Sa isip ko'y napaka-bata pa niya para mamatay at napakarami pa sana niyang magagawa. Kasing-gulang ko lamang siya at nakakatawa man ay magkasing laki din lang kami.
Habang nagninilaynilay ako'y pumasok sa aking isipan ang tungkol sa isang estudyante sa Bicol University (BU) na pinatay dalawang taon na ang nakalilipas. Naaalala ko pa iyong mga coupon-bond size na itim at puting poster na nagsasabing "Justice for Cris" na lagi kong nakikita sa may tapat ng BU. Oo, siya pala yung aktibistang pinaslang noon.Nuong pumotok ang balita tungkol sa kanyang pagkamatay ay naikwento ko ang pangyayaring iyon sa aking ama. Tandang-tanda ko pa kung paano niya ako (at ang aking mga kapatid) pinagsabihan na huwag na huwag sasali sa mga rally o makakaliwang kilusan. Ito ay dahil sa posibilidad na mangyari ang katulad na insidente. Kapag nangyari daw ito saamin ay baka hindi niya matantya ang kanyang mga hakbangin laban sa mga taong may kagagawan ng ganitong bagay. Siya man daw ay matagal nang hindi nagugustuhan ang palakad ng sistema sa Pilipinas. Ngunit nananatili siyang tahimik para sa katiwasayan ng aming pamilya. Mataas kasi ang pangarap ng aking ama para sa amin.
Pero habang binabasa ko ang tungkol kay Cris Hugo ay para bang may malaking bahagi ng aking pagkatao na nagsasabing kailangan kong kumilos at manindigan.
Hindi na tama ang lalo pang lumolobong bilang ng mga aktibistang pinapatay. Ang hindi ko maintidihan ay bakit kailingan pa silang paslangin. Sa tingin ko'y maliban sa pagiging bukas sa pagsasabi ng mga hindi magagandang bagay tungkol sa lipunan at panawagan sa pagbabago ay wala namang magagawang bayolenteng bagay ang mga aktibistang tulad ni Cris. Bakit ang isang napaka-batang tulad niya ay ikinababahala pa nila na umabot pa sa pagpaslang sa kanya. Ganoon na ba kasama ang mga tao ngayon? Hindi ko matanggap sa aking puso't isipan na may mga taong nakakatulog ng mahimbing pagkatapos nilang magpakawala ng balang tumapos sa magandang kinabukasan ng isang napaka-batang walang ibang hinangad kundi ang kabutihan ng nakararami.Para sa mga naging biktima ng political killing sa Pilipinas at maging sa iba't ibang panig ng mundo...saludo ako sainyo. Naway dumating ang panahon na mabigyan ng katarungan ang inyong pagkamatay. Higit pa man, sana'y may patunguhan ang inyong prinsipyong pinaglaban. Nais kong malaman niyo na ako'y kaisa niyo. Pagpalain sana kayo ng Maykapal.



2 comments:
ilan pa nga bang katulad ni cris hugo ang kailangang mag-alay ng buhay sa dambana ng kalayaan? masakit isipin na ang mga ganitong uri ng pagpaslang ay nagaganap pa rin hanggang sa ngayon. pero marami pa rin talaga ang walang pakiaalam o dili kaya ay natatakot. kung susuriin, lahat tayo ay may responsibilidad na maksalamuha sa mga usaping pang-lipunan--lahat tayo ay kailangang maging aktibista sa ibat-ibang pamamaraan, hindi lamang sa pamamagitan ng rally o protesta. sabi nga ng isang kanta: "walang sino man ang nabubuhay para sa sarili lamang/tayong lahat ay may pananagutan sa isat-isa..." kung nais nating makita ang mas mapayapa, maunlad, at makatarungang lipunan, lahat tayo ay dapat makisalamuha. lahat tayp ay may magagawa upang baguhin ang mundo.
taas kamao para sa bayan!
Post a Comment